by: The Workshop Team, Ika Desyembre 25, 2025
Ang panahon ng kapaskuhan ay karaniwang puno ng masasayang awitin, maliwanag na mga ilaw at
madamdaming selebrasyon, gayunpaman, sa gitna ng banal na pagdiriwang na ito ay nananahan ang isang malalim at sagradong katahimikan. Ang ating kinagisnang awiting pamasko na "Silent Night" ay nagpapa-alala sa atin ng pagdating ni Kristo sa mundo ng walang ingay o palabas bagkus isang payak na katahimikan, isang abang kapanganakan sa gitna ng katahimikan ng gabi sa Bethlehem. Sa parehong paraan na ang ating ispiritwal na buhay ay nangangailangan din ng sandali ng katahimikan sa ating pagtanggap sa Kanya. Ang masigasig na pagsamba at papuri at pagpapahayag ng ating kagalakan sa ating "Praise and worship" or prayer meeting ay mahalaga, subalit kung walang mga sanadali ng katahimikan, madalas ay hindi natin naririnig ang mahinang bulong ng ating Panginoon. Sa katahimikan, katulad sa unang "silent night", ang ating kaluluwa ay nananabik na marinig ang tinig ng Panginoon sa ating mga puso.
Kahalagahan ng Personal na Oras ng Panalangin
Ang komunikasyon ay palaging kabilaan. Gaya ng pakikipag-usap sa telepono, hindi maari na puro na lang tayo salita at hindi natin bigyan ng pagkakataon na sumagot ang taong nasa kabilang linya. Ito ay kawalan ng respeto at maari tayong babaan ng telepono ng taong nasa kabilang linya. Pareho din sa pagdadasal. Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Panginoon, kaya nararapat lang na tayo ay magbigay ng puwang para sa Kanyang pagsagot.
Ang isang araw ay may 24-oras. Kung tayo ay magbibigay ng kahit 10% ng mga oras na iyon sa Panginoon (ikapu), iyon ay katumbas lamang ng 2.4 oras ng panalangin sa bawat araw. Paano natin gugugulin ang mga oras na iyon? Ang pagbabasa ng banal na kasulatan ay isang magandang aktibidad. Para sa mga Katoliko, pwede silang gumugol ng 30 minuto sa pagdarasal ng Santo Rosaryo o ng Divine Mercy chaplet. Gayunpaman, may malaking bahagi pa rin ng oras na natitira.
Kung ang ating buhay panalangin ay nagiging puro salita at daldalan – "prayer talkaholism" – tayo ay maaring hindi umunlad. Marahil ay panahon na upang tayo ay tumigil sa pagdaldal at bagkus ay simulan nating makinig sa katahimikan. Maraming oras ang ating ginugol sa pagsasabi sa Panginoon kung ano ang ating gusto, sa paghingi ng kung anu-ano; ngunit binigyan ba natin Siya ng pagkakataon na magsabi kung ano ang gusto Niya mula sa atin?

Prayer "Talkaholics" Anonymous at Group Prayer Meetings
Ang masigasig na pagsamba at papuri ng mga Kristyano at mga Charismatic ay karaniwang puno ng masasayang awitin, masiglang pag-awit, pagpupuri, pagsayaw at maraming binibigkas na panalangin. Gayunpaman, sa mga huling nagdaang taon, ang sandali ng katahimikan ay tila nawawala o nalilimutan na sa mga prayer meeting na aking nasaksihan. Mas madalas na ito ay napapalitan na ng sayawang pang gimik o kung minsan ay rock-concert style o banda na may halong lyrics na biblical.
Sa kabilang banda, sa mga grupong kapos sa mang-aawit o koro, ang prayer meeting ay nagiging purong "talkaholic meeting":
• Sisimulan sa pag-awit ng papuri
• Walang katapusang panalanging pasalita
• Bible sharing sa pinag hating maliliit na grupo
• Mahabang pag dodoctrina or di kaya lecture sa katesismo
• Magwawakas sa isa uling verbal prayer parang "talkathon"
• Ang tanging sandali ng katahimikan ay sa oras ng kainan (refreshments), ngunit may ibang mga tao na wala pa ding tigil sa chikahan.
Marahil ay isa lang akong "introvert", ngunit malinaw pa sa aking ala-ala ang 1980s nang ang Charismatic Renewal ay nagsisimulang lumaganap. Nang mga panahong iyon, ang prayer meetings ay isang lugar na tunay mong mararamdaman si Kristo at ang Espiritu Santo. May masigla at malusog na balanse ng masigasig na pagpupuri at tahimik na pakikinig. Ang tahimik na personal prayer time ay hinihikayat bilang parte ng pamumuhay sa gabay ng Espiritu Santo.
Huwag ipagkamali na sinusubukan kong magbigay ng bagong anyo o format sa mini-workshop na ito. Hindi. Gusto ko lamang ibahagi ang aking karanasan sa mga unang kaugalian ng Charismatic Renewal na tunay na isang "transformative force" sa Kristyanismo.
Isang Panukalang Istilo ng Balanseng Istruktura ng Pang-grupong Panalangin:
• Pagpupuri o Adoration
Ito ang simula ng prayer meeting kung saan may masiglang pagpupuri, awitan, at sayawan upang ihanda ang lugar sa pagsamba. Maraming mga tradisyong espiritwal ang gumagawa nito gaya ng Davidic dancing ng Judaism, whirling dervishes ng Sufi Islam, bhajans at kirtans ng Hinduism at Sikhism at Hari Krishna. Ang masigasig na pagpupuri ay nakakatulong upang mapanatag ang ating katawan at ihanda ang ating puso para sa tahimik na paggalaw ng Espiritu Santo.
• Pagsisisi o Contrition
Ito ang oras ng ating pagsusuri sa ating sarili at sa ating konsyensya at ang paghingi ng patawad sa Panginoon. Karaniwang may kasaliw na malumanay na musika o gabay na panalangin, ito ay isang tahimik na sandali ng pagmumuni-muni. Ang grupo ng mga Cursillista sa Simbahang Katoliko ay binigyang-diin ang kaugaliang ito noong 1960s ngunit ito ay tuluyan ng naglaho o lumipas.
• Panawagan sa Banal na Espiritu o Invocation of the Holy Spirit
Kapag ang templo (sarili, puso, isipan) ay nalinisan na, sisimulan na ang panawagan sa banal na espiritu sa saliw ng malamyos na hymno o awit ng pananawagan. Sa kasalukuyang panahon, maraming grupo ang agad sumasagupa sa praying in tongues pagkatapos ng pagpupuri at ni hindi dumaan sa inner cleansing or pananahimik. Matapos tawagin ang Banal na Espiritu, maglaan ng puwang para sa Kristo at sa Banal na Espiritu na ilatag ang tulay ng ugnayan kung saan sila ay mangungusap. Matapos ang sapat na katahimikan, kung sino man ang nakatanggap ng mensahe para sa grupo ay ibabahagi ito sa lahat, ang iba ay maaring umawit o mag pray in tongues, at ang iba ay maaring manatiling tahimik habang minumuni ang mensahe ng Banal na Espiritu para sa grupo.
• Pagninilay sa Bibliya o Scripture Reflection
Matapos bumaba ang apoy ng Banal na Espiritu sa grupo, ito ang tamang pagkakataon na magnilay sa banal na kasulatan. Ang ibang grupo ay nagkakaroon ng "bible sharing". Sa mga Katoliko, maraming namumuno ang nag aalala na ang kusang pagbabahagi ay maaring magbunga ng mga aral na hindi saklaw ng opisyan na doktina (kahit pa ito’y galing sa Espiritu). Ang isang alternatibo ay ang tinatawag na "Lectio Divina" o ang tahimik na pagninilay sa banal na kasulatan kung saan ang mga kasali o kasama sa prayer meeting ay magbabasa ng passage, tahimik na magninilay sa binasang passage, at makikinig sa kung ano ang nais sabihin ng Panginoon. Maaring ang iba ay maglarawan o magsagunita ng biblical scene na wari bang siya ay naroon sa eksena katulad ng "Superbook" na animation para sa mga bata. Sa mga indigenous spiritual tradition, ito ay tinatawag na "vision quest" o "path-working". Matapos ang tahimik na pagninilay, ang sino man na nakatanggap ng mensahe para sa grupo ay ibabahagi ito sa lahat ng nasa grupo (maliban kung ang mensahe ay personal na para sa atin lamang); kung walang magbabahagi ng mensahe, ang patuloy na katahimikan ay katanggap-tanggap.
• Pagpapasalamat o Thanksgiving
Matapos na matanggap ang inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ito ang oras ng pagpapasalamat sa Panginoon sa lahat ng mga biyaya at pagpapala na ating natanggap hindi lamang sa oras ng prayer meeting kundi sa buong linggong nagdaan. Ito ay maaring pansarili o sa gabay ng namumuno, na may kasaliw na musika.
• Pagsusumamo o Supplication
Sa pagkakataong ito inilalatag ang ating mga kahilingan sa Panginoon. Maari itong tahimik o malakas na pagsamo, na may kasaliw na musika. Ang namumuno ay maaring gabayan ang grupo sa pagsamo sa mahalaga at madaliang hiling tulad ng kalusugan at kalakasan.
• Pangwakas na Pagpupuri o Closing Praise
Ang prayer meeting ay natatapos sa pamamagitan ng awit ng pagpupuri, pagsamba at pasasalamat.
Ang kahalagahan ng pakikinig sa boses ng Panginoon sa kasalukuyang panahon
Sa kasalukuyang panahon, maraming magkakasalungat na pahayag ukol sa mga turong pang Espiritual. Mayroong totoo, may malagihay na totoo, at mayroon ding tahasang maling pahayag. Mayroon ding mga kinatandaan ng pahayag na ang banal na kasulatan ay isinulat ng isang institusyon sa tulong ng imperyong pulitikal. Bilang mga disipulong Kristyano, tayo ay inaasahan tinawag sa pagsunod ("obedience"). Ang pagtalimang espiritwal or pagka masunuring espiritwal (spiritual obedience) ay ang pagsunod sa kalooban ng Banal na Espiritu at ng Panginoon, ngunit hindi nangangahulugang ito ay pagtalimang institusyonal (institutional obedience). Bilang disipulong Kristyano, mayroon tayong kakayahan makinig sa tinig ng Panginoon. Sa gayon, ang direct line sa Panginoong Hesukristo ay kailangan higit kailanman. Ang Banal na Espiritu ay nagsisilbing network engineer o cable guy, ngunit siya ay makakagawa lamang ng kanyang trabaho kung tayo ay matututong makinig sa katahimikan.
Konklusyon
Sa ating pagdiriwang ng Pasko at sa ating muling pag-awit ng "Silent night", ating alalahanin na ang Panginoon ay piniling dumating sa atin ng tahimik. Ang Banal na Espiritu ay may kakayahang gumalaw sa pamamagitan ng isang maligayang pagpupuri ngunit sya rin ay may kakayahang bumulong na maari lamang marinig ng isang pusong tahimik na tumatanggap. Ang isang malusog at matatag na buhay ispiritwal at ang matatag na prayer meeting ay parehong nangangailangan ng silakbo ng apoy sa puso at katahimikan, ng sigasig ng damdamin at kakayahang makinig.
Kung nais nating marinig ang gabay ng Panginoon, matanggap ang Kanyang kaginhawahan, at maunawaan ang Kanyang kagustuhan, matuto tayong tumigil sandali. Ang sandali ng katahimikan ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng panalangin, bagkus ito ay isang puwang kung saan ang panalangin ay nagiging pakikipag-isa sa Panginoon. Ito ang tinatawag na "Bethlehem night of the soul" - simple, payak, aba, ngunit bukas - kung saan si Hesukrito ay isinilang sa ating puso ng paulit ulit.
Sa paskong ito, sana ay muli nating matuklasan ang sagradong balanse ng pagpupuri at pananahimik, ng ingay at kapanatagan, ng awit at katahimikan. At nawa’y magkaroon ng puwang sa ating puso ang malumanay na tinig ng Banal na Espiritu tulad ng pagkatuklas ni Hesukristo ng puwang sa gitna ng katahimikan sa pinagpalang gabi sa sabsaban.
Purihin ang Panginoon!
---------------
Maraming salamat sa larawang ginamit:
Silhouette nativity scene from Freepik.com , https://www.freepik.com/free-vector/silhouette-nativity-scene_11430262.htm (Image was edited)