Mula sa: The Workshop Team, Ika 21 ng Nobyembre, 2025
Ang Ebanghelyo nitong nakaraang Linggo, Lucas 21:5–19, ay isang masidhing paalala. Nagsalita si Jesus patungkol sa mga batong bumabagsak mula sa templo, mga bansang nag-aalsa, at mga alagad na nananatiling matatag sa gitna ng pag-uusig. Para sa mga karaniwang simbahan na nagdadaos ng misa, dumarating ang Ebanghelyong ito sa pagtatapos ng taon ng liturhiya, mula sa siklo C patungo sa A, na may mga temang kaugnay ng katapusan, paghuhukom, at pagbabagong espirituwal. Malapit na ang Adbiyento, hindi lamang bilang pagbibilang ng araw patungo sa Pasko, kundi bilang isang panibagong espiritwal na simula. Isang bagong taon ang sisibol, at kaakibat nito, isang panibagong tawag sa pagmamasid at pagbabantay.
Ngunit kapansin-pansin na sa maraming pulpito, may kakaibang katahimikan. Ang mga homiliya ay tila umiiwas sa eskatolohiya o teolohiya ng “mga huling bagay,” na para bang ito’y isang paksa na angkop lamang sa mga YouTuber o sa mga pelikula. Ang dahilan? “Dapat nating ituon ang pansin sa pag-asa at hindi sa takot.” Tama naman ito. Ngunit paano kung ang pag-iwas sa eskatolohiya ay siya mismong sumisira sa pag-asa?
Tayo ay magpaka-totoo: kung minsan, dahil sa pag-iingat na pastoral, inaakala ng mga pari na masyadong marupok ang mga layko para sa usapin ng katapusan. Na tayo’y matatakot. Na tayo’y malulugmok sa pangamba. Ngunit ang katotohanan: maraming Kristiyanong inspirado ng Espiritu Santo — mga Charismatics, Pentecostals, at yaong namumuhay sa alab ng Espiritu Santo — ay hindi natatakot (1 Tesalonica 5:4–6). Kami ay handa. Kami ay umaasa. Alam namin ang laban na aming sinusuong.
Tayo ay mga alagad ni Kristo. At ang mga alagad na ito ay hindi lamang mga taga-panood sa labanang espirituwal — sila’y mga sundalo ni Kristo. Mga pisikal na haligi ni Kristo upang maisakatuparan ang Plano ng Diyos sa lupa. Hindi sinabi ni Jesus na “Huwag kayong mangamba sa katapusan.” Ang kanyang sinabi: “Gumising kayo. Maging handa.” Sinabi pa Niya: “Kayo’y kamumuhian… ngunit ni isang buhok sa inyong ulo ay hindi maaano.” (Lucas 21:17–18)
Kung gayon, paano tayo magiging handa kung ang mismong mga pinunong espirituwal ay nagbabalewala sa mismong bagay na iniutos ni Jesus na ating paghandaan?

Eskatolohiya 101: Isang Maigsing Gabay
Ang eskatolohiya (eschatology) ay ang pag-aaral ng “mga huling bagay” - kamatayan, paghuhukom, langit, impiyerno, pagbabalik ni Kristo, at pagbabago ng Kanyang nilikha. Ito ay patungkol sa ating sariling kamatayan at kapalaran at ang kapalaran ng sangkatauhan at ng ating mundong ginagalawan. Kapag ang mga Kristiyano ay nagsasalita tungkol sa “huling panahon,” madalas nilang tinutukoy ang Aklat ng Apocalipsis at mga kaugnay na propesiya. Kilala ng mga Evangelicals ang mga teoryang ito, ngunit maraming Katoliko, lalo na ang mga Charismatic, ay bihirang makarinig nito dahil ang kanilang Katesismo ay nananatili sa mga aral na pang simbahan. Isa-isahin natin ang mga aral na ito:
Ano ang Milenyo?
Ang Aklat ng Apocalipsis, kabanata 20, ay nagbanggit ng “isang libong taong paghahari” ni Kristo. May ilan na binigyan ito ng literal na kahulugan, ang iba nama’y simboliko. Ang “milenyo” ang siyang sentro kung saan iikot ang karamihan sa mga teoryang eskatolohikal. Sa imaheng biblikal, ang sandaling ito ay madalas ilarawan bilang isang “pag-aani” (harvest): ang pagtitipon ng mga tapat at ang paghihiwalay ng mabuti at masama sa katapusan ng panahon (Mateo 13:39; Apocalipsis 14:15–16).
Mga Pangunahing Pananaw
• Pre-milenialismo
Babalik si Cristo bago ang milenyo. Matatalo ang kasamaan at si Jesus ay maghahari sa lupa sa loob ng 1,000 taon. Ito ay popular sa mga Evangelicals.
• Post-milenialismo
Ang mundo ay unti-unting bubuti sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo, na hahantong sa “golden age of peace”. Pagkatapos nito, babalik si Cristo. Isang optimistikong pananaw.
• Amilenialismo
Walang literal na milenyo. Ang “isang libong taon” ay sumisimbolo sa kasalukuyang panahon ng Simbahan kung saan si Cristo ay naghahari sa espiritu. Ito ang posisyon ng Katoliko.
• Dispensasyonalismo
Isang detalyadong sistema: Rapture, Pagbubukas ng mga Selyo, Pagpapatunog ng mga trumpeta, 7-taong Tribulasyon, pag-angat sa kapangyarihan ng Anticristo, pagbuhos ng mga kopa, at pagkatapos ay ang pagbabalik ni Kristo at isang literal na milenyo. Napakapopular sa mga Evangelical prophecy circles.
(Erickson, 1998)
Ang mga pananaw na ito hindi lingid sa kaalaman ng ibang Kristyano, lalo ng ang mga Evangelicals, Pentecostals, mga Full Gospel Charismatics. Interesting sila pag isipan, pag usapan, at suriin.
Ang Posisyon ng Katoliko: Credo at Katesismo
Ano ang atake dito ng Katoliko? Sabihin na nating “hindi kasing cinematic.” Nakaugat sa Creed at sa Catechism of the Catholic Church, binibigyang-diin nito ang pagbabalik ni Kristo, ang pagkabuhay na muli ng mga patay, at ang Huling Paghuhukom (CCC 668–682). Ang Creed O “Ang Sumasampalataya Ako” ay simpleng nagsasabi: “Siya’y muling darating na may kaluwalhatian upang hatulan ang mga buhay at mga patay.” Walang mga detalyadong chart, walang countdown; maliban sa maikling banggit ng isang huling pagsubok para sa Simbahan na may kaugnayan sa isang “anticristo,” na tila hindi tumutukoy sa isang tao, bagkus sa isang “metaphor” sa isang “panlilinlang na panrelihiyon na nag-aalok ng huwad na pag-asa.” (CCC 675–677).
Sa totoo lang, karamihan sa mga manunulat na Katoliko, lalo na ang mga pari, ay sumusunod nang mahigpit sa “script” ng doktrina upang wag magbigay ng detalye o propesiya, kahit na sya ang simbahan na may pinaka maraming propesiya na nag mula sa Ina ni Kristo. Madalas nilang pinaglalaruan ang mga salita nang may liturhikong pag-iingat. Ngunit ang ganitong pag-iingat ay minsan nakakasakal sa tinig ng Espiritu Santo (1 Tesalonica 5:19–22).
“Churchianity-fication” ng Charismatic Renewal Movement
Nakakalungkot na sa Simbahang Katoliko, ang Charismatic Renewal, na nagsimula bilang isang boluntaryong kilusang layko sa inspirasyon ng Espiritu Santo, ay dumaan sa “churchification” simula noong 2019, at opisyal na isinama sa burukrasya ng simbahan sa halip na manatiling independyente sa gabay ng Espiritu Santo. Nakapagtataka dahil wala naman itong naging problema at patuloy lang na nagpupuri sa Panginoon at nag papahayag ng salita ng Diyos simula noong 1970s. Ngayon ay nakasalalay na ito sa prinsipyong kung may aral o mensahe ang Diyos na sumasalungat sa doktrina ng pananampalataya ng Simbahan, ito ay hindi nagmumula sa Espiritu Santo (CHARIS International, n.d.). Ngunit ito ang tanong: ang kaparian (clergy or Catholic leadership) lang ba ang karapatdapat tumanngap ng tinig o mensahe ng Espiritu Santo? Makakaya ba nating ikulong o supilin ang hininga o kagustuhan o kalooban ng Diyos? Kung ang simbahan ay hindi and gusali (church building) kundi ang mga tao na bumubuo ng simbahan o katawan ni Kristo, bakit kailangan na iilang liderato lamang ang pwedeng mkatanggap ng mensahe ng Panginoon?
Ito ang dahilan kung bakit minsan mas gusto ko ang mga teologong hindi nakatali sa mga institusyong eklesyal. Sila’y matapang at buo ang loob ilahad ang katotohanan. Nakikinig sila nang bukas ang puso. Mas sensitibo sila sa bulong ng Espiritu Santo, kahit pa minsan ito’y nakakagambala sa nakasanayan. At oo, minsan nagkakamali rin sila, ngunit bahagi iyon ng kanilang pagiging tao.
Pagpapakilala sa mga Manunulat na Matatapang at Buo ang loob
Marami din sila. Isa sa mga tinig na iyon ay si Dr. Ralph Martin (1997), na sa kanyang aklat na “Is Jesus Coming Soon?” (”Babalik na ba si Hesus?”) ay naglakas-loob na itanong ang mga tanong na iniiwasan ng marami. Hindi niya inaangkin na alam niya ang oras, ngunit iginiit niya ang pangangailangang manatiling gising, mamuhay na para bang malapit na ang pagbabalik ni Kristo, at linangin ang kabanalan at pagiging tunay na espirituwal. Isa pang tinig na aktibo ay si Dr. Taylor Marshall. Ang kanyang teologia ay medio komplikado at may mga aral na hindi ako sang-ayon. Pero magandang pag aralan at suriin ang kanyang aklat na “Antichrist and Apocalypse: The 21 Prophecies of Revelation Unveiled and Described”. Maaring suriin ko ito dito sa mga susunod na mga buwan.
Ang aklat ni Dr. Martin ay sinulat noong gitna ng 1990 at siniwalat nya ang mga kaganapan na maaring mangyari bago mag balik ang Panginoon. Pinag sama nya ang aral ng eskatolohiya ng Katoliko at ang aral sa Bibliya ng mga Evangelicals, upang maunawaan ang nangyayaring malawakaing pag puspus ng Espiritu Santo na nangyayari sa mundo noon, at magpa hanggang ngayon. Noon, marami syang napag aralan, kagaya ng mga digmaan, ma kalamidad, at mga gulo sa loob ng simbahan.
Mga Ilang Palatandaan ng Panahon ayon kay Martin (1997)
• Hindi pa nararanasan ng Israel ang pagbabagong-loob na inaasahan ng marami.
• Ang pag-iral ng teknolohiya sa impormasyon at pagbabalita ay magpapadali sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa buong mundo.
• Patuloy ang mga digmaan at kaguluhan sa iba’t ibang bansa.
• Lalong tumitindi ang mga dumarating na kalamidad.
• Sumisidhi ang kalituhan at lumilitaw ang mga huwad na propeta sa loob ng Simbahan na nagdudulot ng pagkalito tungkol sa mga pangunahing katotohanan ng Kristiyanismo.
• Nagpapatuloy ang pag-uusig sa mga Kristiyano (e.g. Rwanda).
• Lumalaganap ang okultismo at espirituwal na panlilinlang.
• Ang hangganang moral ay unti-unting nawawala ng may pagpapahintulot, at ang rebolusyong seksuwal ay muling humuhubog sa lipunan.
• Kinakailangan ang paglilinis, kapighatian, at pagbabagong espirituwal bago ang pagbabalik ni Kristo. Nanawagan Siya ng pagbabagong-loob para sa mga tumatanggi sa Ebanghelyo; para sa mga hindi sineseryoso ang impiyerno, kahit na mga mananampalataya; at para sa pagiging maligamgam sa pananampalataya.
• Nananatili ang pag-asa para sa pagbabalik-loob sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mga tinig na propetiko, at mga pagpapakita ni Maria.
Ang aking Mga Pananaw (sa kasalukuyan panahon)
• Ang “pagbabagong-loob” ng Israel ay mas lalong hindi makatotohanan ngayon; ang Kristiyanismo ay dapat makita bilang isang unibersal, hindi lamang isang tribal, na tradisyong espirituwal mula sa Gitnang Silangan.
• Sa pagkakaroon ng teknolohiya ng WiFi, AI, at internet, mahirap isipin na may kulturang hindi naaabot ng mensahe ng Kristiyanismo. Dapat tayo maging handa dahil ayon sa pananaw ni Martin, isang hudyat na malapit ang pagbabalik ni Kristo kung ang Mabuting Balita na nakakaabot na sa buong mundo.
• Ang mga digmaan ay hindi na lamang “cold war”; ang panganib ng mainit na labanan sa pagitan ng mga superpowers ay hindi malayo sa katotohanan.
• Ang mga sakunang likas ay nasa rurok: malalaking sunog, pagkatunaw ng mga yelo sa polo, megalindol, hurricane/super bagyo, solar flares.
• Lalong lumalim ang kalituhan sa Simbahan — binigyang-diin ng isa pang aklat ni Martin (“A Church in Crisis: Pathways Forward”, 2020) ang pagbagsak at mga kalituhan sa pamumunong Katoliko, pagtaas ng kalituhang ideolohikal, rebolusyong kultural at moral, ang apostasya sa loob ng Simbahan, at ang kagyat na pangangailangan ng pagsisisi at digmaang espirituwal.
• Mas matindi na ang pag-uusig ngayon sa mga Kristyano, lalo na sa Nigeria at iba pang rehiyon.
• Mas lantad na ang okultismo at panlilinlang, lumilitaw pa sa pangunahing libangan. Ang mga ritwal na sataniko ay ipinapakita na sa pampublikong telebisyon, nakabalatkayo bilang “artistikong pagtatanghal” sa malalaking paligsahan.
• Higit pa sa seksuwal na pagpapahintulot, ang kasalukuyang kultura ay kumukunsinti sa droga at legalisadong kamatayan, na lubhang nakababahala.
• Ang maligamgam na pananampalataya at labis na “kasayahan” sa social media (tiktok), napakataas ng bilang ng AIDS, atbp. ay nagpapakita ng mundong handa na para sa biglaang pagdating ni Kristo.
• Patuloy na binabago ng Espiritu Santo ang pananampalataya sa iba’t ibang tradisyon, sa pamamagitan ng espiritwal na pagbuhos ng Banal na Espiritu na kasalukuyang nararanasan, lalo na ang malaking pagbuhas sa mundo na nangyari ngayong taong 2025.
Ang Dedma or Walang Pagkabahalang Sagot ng Simbahang Romano
Tila nagkikibit-balikat ang Simbahan sa kasalukuyang interes sa mga usapin ng apokalipsis: “Mga digmaan at kalamidad? Lagi naman itong nangyayari, ika nila. Bawat siglo, iniisip ng mga tao na darating si Kristo.” Tama din naman - ang kasaysayan ay puno ng “false alarms”. Ngunit ito ang nananatiling tanong: May kaibahan ba ang mga sakuna sa ating kasalukuyang panahon kaysa noong panahon?
Tingnan Naman Natin Ang Pananaw ng mga Tradisyong Espirituwal at Mga Relihiyon ng Silangan
Dito nagiging kapanapanabik ang ating usapan. Nasa punto tayo ng pagsasanib sa kasaysayan ng tao. Ang mga tradisyong espirituwal ng Silangan ay nagsasalita tungkol sa kalpas at yugas, malalaking siklo ng panahon na umaangat at bumabagsak na parang mga “cosmic tides”. Bawat siklo ay nagtatapos sa yugto ng kadiliman bago ang pagbabagong espirituwal (Walls, 2008). Kahit sa loob ng isang malaking madilim na panahon (na kinaroroonan natin ngayon), maaaring magkaroon ng maikling siklong pataas — isang maliit na bugso ng liwanag at paglago ng espiritu. Sa unang pagkakataon, tila nagtutugma ang mga siklong ito at ang eskatolohiyang Kristiyano. Parehong tumuturo sa isang sandaling hangganan: Tama maaring magkaron ng isang panahon ng kadiliman kagaya ng nasabi sa Pahayag… ngunit ito ay susundan ng pagbuhos ng banal na pag-angat, kadalasang inihahayag ng pagdating ng isang Banal na Avatar. May ilang tradisyon na tinatawag pa itong “mini golden age.”
Sa isa sa mga kasulatan sa Silangan bago pa ang Kristiyanismo (Bhagavad Gita 4:78), nangako si Sri Krishna: “Tuwing may pagbaba ng katuwiran at pagtaas ng kasamaan, Ako’y nagpapakita sa lupa.” Katulad ni Kristo, siya’y kumakatawan sa arketipo ng banal na interbensyon - isang huwaran na inuulit sa iba’t ibang tradisyon. Ang pigura ni Kristo ay lumilitaw sa maraming pangalan: Maitreya (Budismo), Imam Mahdi (Islam), Kalki (Hinduismo), Mesiyas (Hudaismo), Quetzalcoatl (Aztec), at iba pa.
Maaari bang may kahulugan ang pagsasanib ng mga propesiya?
Ang pangitain ng isang libong taong paghahari sa Apocalipsis ay higit pa sa pag-asang Kristiyano; ito’y nagpapahayag ng unibersal na pananabik na nakahabi sa imahinasyong espirituwal ng sangkatauhan. Sa iba’t ibang kultura, pinangarap ng mga tao ang isang panahon ng pagkakaisa, katarungan, at kaliwanagan — isang panahon na uurong ang mga anino at mananaig ang liwanag. Ang milenyo ng Kristiyano, literal man o simboliko, ay katunog ng arketipong ito: isang pangako na ang kasaysayan ay hindi nakatakdang manatili sa walang katapusang tunggalian, kundi patungo sa pagpapanumbalik ng banal na kaayusan. Ang mga pagkakatulad na ito ay nagpapaalala na ang pananabik sa ganap na kapayapaan ay hindi nakatali sa isang tradisyon, kundi isang nagkakaisang hangarin ng sangkatauhan.
Bakit Ito Mahalaga
Kung ang Silangan at Kanluran ay bumubulong ng parehong mensahe, marahil dapat tayong maghanda para sa isang pagbabago… at dapat tayong makinig. Hindi sa takot, kundi sa pag-asa. Ang Parousia, ang pagbabalik ni Kristo, ay hindi lamang isang katapusan; ito’y isang pagsisisimula ng bagong panahon, isang “cosmic reset” na umaalingawngaw sa iba’t ibang tradisyon.
Konklusyon: Huli na ang Oras, Ngunit Malapit na ang Liwanag
Ang pagiging kampante ay kaaway ng kahandaan. Hindi sinabi ni Jesus: “Magpahinga kayo, ayos lang.” Sinabi Niya: “Gumising kayo. Maging handa.” Ang Adbiyento ay hindi nostalgia. Ito’y isang tawag sa pagbabantay. Ang pagyanig ng mga bansa, ang paglalahad ng mga katiyakan, ang pagkauhaw sa kahulugan ay hindi basta mga balita. Ito ay mga palatandaan. Mga “birth pains” (o kagaya ng “sakit ng panganganak”) at kaguluhan bago ang Kanyang pagdating.
Ang tanong ay hindi “Kailan Siya darating?” Ang tanong ay: “Tayo ba ay Gising kapag Siya’y dumating?”
Kaya’t tigilan na natin ang pagtrato sa eskatolohiya bilang isang maliit na tala o “footnote” sa teolohiya. Ito ang pintig ng hininga ng pag-asang Kristiyano. Ito ang liwanag na nagbibigay-kahulugan sa kaguluhan. Ito ang apoy na nagliliyab sa ating puso upang hindi maging kampante. Ang katapusan ay hindi isang wakas. Ito’y isang pagliligtas. Hindi ito takot, kundi katuparan. Hindi ito pagguho ng kahulugan, kundi isang panimula ng kaluwalhatian.
Ang mundo ay yumayanig habang ang simbahan ay naghihikab. Tara, oras nang gumising!
Humingi tayo ng kapatawaran at grasya ng pagbabago sa Panginoon. Tanggapin natin sya sa ating buhay. Pilitin natin magpa kabanal kahit mahirap. Panalangin natin na makita si Kristo sa ating buhay. At magkaisa tayong lahat para isulong ang bagong sangkatauhan na kalugod lugod sa mata ng Panginoon nating lahat.
Purihin ang Panginoong Hesukristo!
---------------
Bibliyograpiya:
CHARIS International. (n.d.). The birth of CHARIS and its importance for Catholic Charismatic Renewal.CHARIS International. https://www.charis.international/en/the-birth-of-charis-and-its-importance-for-catholic-charismatic-renewal/
Erickson, M. (1998). A Basic Guide to Eschatology: Making Sense of the Millennium. Baker Academic.
Martin, R. (2020). A Church in Crisis: Pathways Forward. Emmaus Road Publishing.
Martin, R. (1997). Is Jesus Coming Soon? A Catholic Perspective on the Second Coming. Ignatius Press.
The Holy Bible. New International Version.
The Holy See of the Roman Catholic Church. (2003, Nov 4). Article 7: "From Thence He will come again to Judge the Living and the Dead". Catechism of the Catholic Church (CCC). https://www.vatican.va/archive/ENG0015/__P1V.HTM
Walls, J. (Ed.). (2008). The Oxford Handbook of Eschatology. Oxford University Press.